Home
“Holdap” by Gary Granada
Album Standard Issue / The Best of Gary Granada / Samu't Saring Gary Granada [2008] / The Essential Gary Granada Collection [2011]
Ave. Rating: 0 (0 votes)

Minsang ako ay nag-agahan doon sa bandang Nagtahan
Nang mayro'ng nagkagulo sa isang tambayan
At ang usap-usapan ay tungkol sa isang holdapan
Sa isang pampasaherong sasakyan

Nang aking nilapitan, tamang-tamang naabutan
Ang isa sa biktimang nagsalaysay
At ang bukambibig niyaong mamang nanginginig
Salamat daw at siya'y naiwan pang buhay

Nanakawan na at naholdap si Juan
Ngunit ang holdaper pa ang pinasalamatan
Nabaon sa utang ang bayan ni Juan
Ngunit ang nagnakaw pa ang pinararangalan

Isang kinsenang kayod ang pinagpawisang sahod
Ay nahulog sa kamay ng magnanakaw
Pati 'yung estudyante at aleng mukhang pasyente
At lolong halos 'di na makagalaw

Relo, singsing at hikaw, pati ngiping natutunaw
Sinimut noong disenteng lalake
Mabuti na lang daw at mabait yaong mamaw
Sila'y inabutan pa ng pamasahe

Nanakawan na at naholdap si Juan
Ngunit ang holdaper pa ang pinasalamatan
Nabaon sa utang ang bayan ni Juan
Ngunit ang nagnakaw pa ang pinararangalan

Ngunit minsa'y namukhaan nitong kawawang si Juan
Ang holdaper kanya palang kapit-bahay
Malimit mag-abuloy ng abubot at borloloy
Sa tuwing may okasyong pambarangay

Siya ay kuwelang-kuwela sa simbahan at eskuwela
Bida kay bishop, kay judge at kapitan
Taon-taon pati ay may medalya at plake
Ang magiting at dakilang kawatan

Nanakawan na at naholdap si Juan
Ngunit ang holdaper pa ang pinasalamatan
Nabaon sa utang ang bayan ni Juan
Ngunit ang nagnakaw pa nasa pamahalaan

Nabaon sa utang ang bayan ni Juan
At lalong mababaon dahil sa Philippines 2000
Comments
blog comments powered by Disqus