Home
“Manggagawa” by Gary Granada
Album Pagsamba at Pakikibaka [1989]
Ave. Rating: 5 (1 votes)

Gaya ng maraming musikero,
naranasan ko rin ang maging folk singer,
na madaling araw na ako kung minsan ay umuwi
at nakakasabay ko sa mga bus
ang mga taong hatinggabi na rin kung magbiyahe.
Naranasan ko rin yung
'guro yung naranasan n'yong nauundayan kayo ng katabi sa bus,
aantok-antok at amoy-alak pa kung minsan.
Eh nakakasuya rin eh.
Pero napansin ko na hindi lahat ng taong susuray-suray
ay lasing.

Kung ang ulo niya'y masagi sa balikat mo, kaibigan
Ikaw na sana ang marunong umunawa
Ibig lamang maidlip ang lamog na katawan
Ng isang pangkaraniwang manggagawa

Sa maraming pabrika ang pahinanteng tulad niya
Ay palipat-lipat na namamasukan
Sa lamig ng magdamag, pagod niya'y sinasagad
Sa munting paghahangad na mabuhay

Kulang ang maghapon upang makaipon
At makakaahon ang isang dukha
Kulang din ang pawis kahit labis-labis
Kung ang nagnanais ay maralita

Natutunan niyang hamakin ang sakit at sakuna
Tatlumpu't pitong taon na siyang nasanay
Sa matang namumutla ay inyong mapupuna
Siya'y mamamatay sa kakahanap-buhay

Sa mga nagpapaluwal ang sahod niyang butal-butal
Nasanla nang matagal sa kagipitan
At kahit siya magpapagal, pilit mang isusugal
Ang hapo at nangangatal niya nang laman

Kulang ang maghapon upang makaipon
At makakaahon ang isang dukha
Kulang din ang pawis kahit labis-labis
Kung ang nagnanais ay maralita

Samantalang may isang panginoong maykapital
Ang nagdiwang at nagdaos ng hapunan
At kabilang sa hapag ng panauhing pandangal
Ang tanyag at ang banal sa ating lipunan

Halos ang bawat isa'y makapangyariha't matagumpay
Dahilan sa isang taglay na katangian
Ang matibay na loob na magsawang mabusog
Habang may nangangatog sa hapdi ng tiyan

Kulang ang maghapon upang makaipon
At makakaahon ang isang dukha
Kulang din ang pawis kahit labis-labis
Kung ang nagnanais ay maralita

Aklat po ni Malakias, Malachi, Chapter 3,
"Sinasabi ni Yahweh, 'Ako'y biglang darating
upang hatulan ang mga salamangkero,
ang mga mangangalunya, ang mga bulaang-saksi,
ang mga naninikil sa kanilang mga manggagawa.'"
Comments
blog comments powered by Disqus